Misa sa paggunita sa ika-22 Anibersaryo
ng mapayapang rebolusyon sa EDSA
Simbahan ng Bacalaran, ika-25 ng Pebrero 2008
Una sa lahat, sa ngalan po ng Redemptorist community dito sa Baclaran malugod ko kayong tinatanggap at wini-welcome sa Pambansang Dambana ng Ina ng Laging Saklolo. Tayo ngayon ay nasa harap ng banal na larawan ng ating Mahal na Ina ng Laging Saklolo. Tunay na ang ating mahal na Ina ay saksi sa mga makasaysayang pangyayari sa ating bansa.
Noong 1986, ang mga Comelec computer encoders na nagtatabulate ng boto ng snap elections ay humingi ng kanlungan dito sa dambana ng ating mahal na ina pagkatapos na sila ay nag walk out sa kanilang mga computer consoles sa PICC sapagkat ipinapagawa sa kanila ang isang bagay na di nila kayang masikmura – ang pagdaya at pagtakip sa katotohanan. Alam naman nating lahat na ang walk out na ito para sa katotohanan ang isa sa mga naging mitsa ng people power noong EDSA 1.
Ngayon tayo muli ay lumalapit sa kanyang banal na larawan sa panahong pilit na itinatago at pinagtatakpan sa atin ang katotohanan. Tayo ay nahaharap sa isang krisis ng katotohanan at moralidad sa pamamahala na nagbabadya ng panganib at kapahamakan. Subalit ito rin ang naging mitsa upang muli ang sambayanan ay magsama-sama at mapukaw sa pagkakahimbing.
Sa paglapit natin kay Maria sa gitna ng paghahanap natin ng katotohanan, si Maria sa kanyang larawan ay itinuturo tayo sa kanyang anak na si Jesus. Lagi tayong pinapa-alalahanan ni Maria na dapat tayong naka-sentro kay Kristo. Narinig natin si Jesus sa ebanghelyo: "Kung tinutupad ninyo ang aking aral, kayo nga'y tunay na mga alagad ko; v32makikilala ninyo ang katotohanan, at ang katotohanan ang magpapalaya sa inyo." Kung tayo’y nakasentro kay Kristo malalaman natin ang katotohanan. Malalaman natin ang katotohanan kung tayo lamang ay nakasentro kay Jesus. Si Jesus ang katotohanan. Si Jesus ang tunay na laging saklolo ni Maria. Samakatuwid, si Jesus ang katotohanan, ang ating walang hanggang saklolo.
Mga kapatid, tunay na maraming kasinungalingan at pagtakip sa katotohanan sa ating bansa ngayon hindi lamang sa pinakamataas pati na rin sa pinakamababa, mula sa lipunan hanggang sa personal. Isa sa pinakamalaking sakit na yata ng ating bansa ngayon ay “Truth Decay.” Malala na masyado ang truth decay kaya hindi na kaya ng pasta at root canal na lamang, kailangan nang bunutin ito.
Ang sinasabi nila: “Huwag na nating pag-usapan ang katotohanan. Mag move on na lang tayo.” Oo masakit ang katotohanan, pero kailangan natin ang katotohanan upang tayo ay umunlad. Sinasabi nila na tayo daw ay nag-iingay at nanggugulo lamang. Bakit di na lang tayo sumabay sa pag-unlad ng ekonomiya?
Ang sinasabi natin ay walang tunay na kaunlaran kung walang katotohanan. Ang ating bansa ay di makakamove-on kung nababalot ng kasinungalingan at kaplastikan. Mas mabuti pang gobyerno na may mababang pag-unlad subalit ang nakikinabang ay ang mga mahihirap, pero isang gobyernong na totoo naman keysa isang gobyerno na may mataas na pag-unlad kuno subalit ang nakikinabang naman ay ang mga makapangyarihan at mayayaman, pero isang gobyernong sinungaling naman.
Marami tayong gustong malaman na katotohanan, maliban sa nakakagimbal na NBN-ZTE deal, gusto natin malaman ang katotohanan sa likod ng extra-judicial killing – humigit kumulang 800 na ang pinaslang ng walang pangkatarungang proseso, at 100 na ang sapilitang nawawala, sa fertilizer scam, sa Hello Garci scam, sa north rail at south rail.
Ngayon tuloy lang ba tayo sa pag-unlad samantalang maraming dumi na itinatago sa ilalim ng carpet? Hindi sapat laman na malaman natin ang katotohanan. Ang katotohanan ay may kaalinsunod na pananagutan. Kailangang panagutin ang may sala at palayain ang walang sala. Hindi kalimutan na lang natin at magkasundo na tayo. Ang mahirap sa ating mga Pilipino, maikli ang ating memorya. Kay dali nating makalimot at mabagal tayong matuto.
“Makikilala ninyo ang katotohanan, at ang katotohanan ang magpapalaya sa inyo." Sa ating pagtuklas sa katotohanan, tayo ay nagiging malaya. Dahil sa katotohanan muli ang buong bansa ngayon ay nagising at nagsasama-sama at nilalanghap ang matamis na simoy ng kalayaan.
Ipinagdiriwang natin ngayon ang ika 22 taon ng people power. Marami sa atin ay nagsesentimento. Nasaan na ba ang mga pangunahing personalidad ng EDSA 1? Maraming nagsabi sa akin, Fr. Nami-miss namin si Cardinal Sin. Tanong ng iba: Bakit ang ating mga Obispo ngayon ay di mag-ala Cardinal Sin?Si FVR at Enrile ay may kanya-kanya nang landas. Pero si Tita Cory ay nandito pa rin, hindi ka nag-iisa. At mayroon naman tayong mga bagong bayani – nandyan si Jun Lozada ang uragon kong kababayan. Jun, ngayon ikaw ang Philippine idol – lalong-lalo na sa mga nagtitiktik sayo. Si Juan de la Cruz ay nakatagpo ng kanyang kapuso at kapamilya kay Jun Lozada. Si Juan de la Cruz ay malayo sa pagiging perfecto, katulad ni Jun Lozada. Subalit si Jun Lozada ay pilit na di bumibitiw sa natitirang dangal ng kanyang gula-gulanit na kalooban at pangalan. Kaya’t hindi nakapagtataka na kay Jun Lozada si Juan de la Cruz ay nais maging bayani sa kabila ng kanyang pangkaraniwang pagkatao at maraming sablay sa daan ng kanyang paglalakbay.
Kung kaya’t, higit sa lahat ay nandyan kayo, ang taumbayan. Mayroong bayani kung titingin lamang kayo sa loob ng inyong sarili. Ang pagiging bayani sa loob ng inyong sarili ay umuugnay sa bayani na nasa loob ng inyong kapwa Pilipino. Ang pagpapalabas at pagbabahaginan ng ating pagiging bayani ay ang simula ng people power. Ang bayanihan – ito ang people power. Ang people power ay tayo. Tayo ang people power. Ang pagbabago ay tayo, tayo ang pagbabago.
Ngayon pagkatapos ng 22 taon, nasaan na tayo? Nakakalungkot isipin na kaunti ang pagbabago lalo na sa pamamaraan ng pagpapatakbo ng ating bansa. Ang mga family dynasties ang siya pa ring naghahari sa ating politika samantalang ang corruption at ganid ay malalim nang nakabaon sa ating sistema ng politika.
Kung kaya’t sabi nila di na pahihintulutan muli ng mundo ang panibagong “People Power”. Sabi naman ng iba bigo ang people power sapagkat malinaw na hindi ito nakapagdulot ng pangmatagalang pagbabago sa ating sistema political.
Patay na ba ang People Power? Noong nanawagan ang mga obispo ng isang “communal action” bilang tugon sa mga nagaganap sa ating bansa parang mabagal at mababaw ang ating pagtugon. Bagama’t mayroong nagaganap na maliliit na mga pagkilos sa iba’t ibang lugar, hindi ito katulad ng mga nakaraang pagkilos na puno ng ingay, sigla sa gitna ng pagkabalisa at diskuntento bago mag-EDSA 1 o EDSA 2.
Napagod na ba tayo sa people power? O Natuto tayo sa mga nakaraan nating kamalian?
Kung naghahanap tayo ng dating ekspresyon ng people power, wala na ito. Ang mga naglalakihang rali at demonstrasyon, ang mga slogang puno ng paghihikayat at pagsisiwalat, ang pagsasanib ng iba’t ibang sektor sa isang tukoy na panawagang pulitikal ay wala na.
Subalit huwag tayong magpalinlang na ang people power ay wala na, katulad ng nais ipaniwala sa atin ng mga may kapangyarihan. Ang pagkabalisa, pagkabigo, ang matinding pagnanais ng pagbabago, ang paghahangad ng pagkakaisa ay buhay na buhay. Datapawat, ang lahat ng ito ay naghahanap ng bagong ekspresyon ng pagpapahayag, ng bagong pamamaraan, ng bagong simbolo.
Isang aral na napulot natin sa nakaraan ay ang samasamang pagkilos o communal action ay hindi nakabatay sa malalaking personalidad at mga politiko. Gayundin naman ang mga kaparian at Obispo ay hindi taga-likha ng direksyon para sa mga tao. Sila ay moral na gabay sa mga tao at tagapagbigay sigla’t lakas sa mga laykong kasapi ng simbahan na siyang pangunahing responsable sa paghuhubog ng pulitikal at pang-ekonomiyang larangan ng ating lipunan. Ang samasamang pagkilos ay dapat talagang isang proseso ng samasamang pagninilay at pagtugon ng bawat kasapi ng komunidad.
Hindi patay ang people power. Ito ay sisibol sa tamang panahon na may malakas na kapangyarihan at mas mayamang kahulugan. Ang people power ay hindi nagtatapos sa pagtanggal sa luklukan ng mga may kapangyarihan at wala ng moralidad na umupo. Ang people power ay ang pagbabago ng buong sistema sa ating lipunan at sarili.
Mga kapatid, isang dakilang biyaya ang nagaganap sa ating bansa. Huwag lamang tayong maging usisero. Wag tayong tagapagkutya lamang sa mga nangyayari. Sabi nga ng makatang si Dante Alighieri: “Ang pinakamainit na apoy sa impyerno ay nakalaan doon sa mga taong nagsawalang kibo sa panahon ng krisis ng moralidad.” Tama na, sobra na, kumilos na!
Mahal na Ina ng Laging Saklolo, ipanalangin mo kami sa aming pagsunod kay Kristo ang katotohanan at aming laging saklolo patungo sa landas ng pagbabago ng aming sarili at aming bayan.
No comments:
Post a Comment