Communal Action
Doy Cinco / IPD
http://doycinco.blogspot.com/2008/02/communal-action.html
Monday, February 11, 2008
Walang dudang muli na namang nalagay sa survival mode si Ate Glo. May nagsasabing "baka ito na ang simula at katapusan ng masasayang araw ng Malakanayang." Kaya lang, "maaring sabihing na sa rurok na, hinog na o hindi pa kumpleto ang ingredient para sa isang pagbabalikwas tungo sa pagbabago. Ang nakabitin at ang balik na tanong, nasaan at naabot na ba ang pampinaleng tipping point na inaabangan ng marami?"
Kung maisusustina't lalala pa sa darating na linggo ang bulkang Mayong krisis na bumabalot sa ZTE-Broadband scam, meaning may ilang bilang sa hanay ng CBCP ang categorically mananawagan ng pagbibitiw sa tungkulin ni Ate Glo at ipalaganap ito sa pamamagitan ng isang PASTORAL LETTER (karaniwang ginawa nuong panahon ni Marcos at Erap Estrada), ilang section ng business elite at panggitnang pwersa ang lalahok sa pagkilos, sasabayan pa ng pagbibitiw ng ilang Gabinete ni Ate Glo, withdrawal of support ng ilang General sa AFP, 'di man magsabay-sabay, di man kompleto, ano man ang maunang sangkap, walang dudang tigbak at 'di na aabot si Ate Glo sa 2010. Sa ngayon, maaaring “naka-antabay lang sa ano mang eventuality at wait and see ang halos lahat ng grupong pulitikal sa bansa."
Alam na nating lahat ang talamak na pangungurakot sa bansa, alam natin na isang malaking kalokohan ang sinasabing “strong republic.” Alam din natin lahat ang ala-MAPIAng pamumuno ng burukrasya't Malakanyang, na ayon sa CBCP ay pinaghaharian ng MALALAKI at MAKAPANGYARIHANG ANGKAN, dinastiya, CASIQUE at OLIGARKIYA. Alam nating lahat na sila lamang ang nakikinabang at nagtatamasa sa sinasabing 6-7.0% GDP economic growth rate ng ating bansa. Alam din natin lahat kung paano sinalaula ang mga demokratikong institusyon ng bansa at sa pamamagitan ng kinang ng salapi, ng pamumudmud, makailan beses na itong nalusutan ni Ate Glo. Sa harap ng kalunus-lunos na kalagayan, ang karaniwang reaksyon ng marami, EH ANO NGAYON?
Bilang mga aktibo at responsableng mamamayan, ang inaantabayanan, ang hinahanap ng mamamayan, ANO NA ANG GAGAWIN? Ang sagot ng CBCP, "COMMUNAL ACTION".
Hindi natin minamaliit ang panawagang “communal action” ng CBCP. Maaring ito na ang pinakamataas na anyo ng panawagang kayang ibato ng simbahan sa harap ng lumalalalang krisis ng paggugubyerno sa bansa. Maaaring ang kahulugan ng “communal action ay isang klase ng pagkilos na communal, sama-samang pagkilos para sa pagbabago, commune, parang Diliman Commune, ika nga, kahit paano, isa itong political action.” In fairness sa CBCP, sa layuning maibalik ang pagtitiwala, good governance at higit pang palakasin ang tinatawag na responsableng mamamayan. Sa panimula, maaaring “communal prayer at soul searching, pray together, magdecide o mag-act together.” Sakyan man o kstiguhin ng Malakanyang ang panawagan, walang ibang tinutukoy ang CBCP kundi ang imoralidad, kabulukan ng Malakanyang at paraan kung paano ito mareresolba sa pamamagitan ng "communal action." (Photo below: http://www.abs-cbnnews.com/)
Bagamat ang arena ng labanan ay nananatiling na sa Senado, walang nakaka-alam kung ito'y bubulwak, dadami't lalawak ang partisipasyon ng mamamayan o maaari rin namang madepuse ang tensyon, makabig ng palasyo ang timbangan at “maglet'smove on na naman ang lahat.” Habang ang diin sa Senado ay puntiryahin ang ugat, ang pinanggagalingan ng iskandalo (Mike Arroyo at GMA), sa part ng Malakanyang, ang "taktika'y total denial, iwas pusoy, idamage control, pahupain ang sitwasyon at idemolished ang kredibilidad ni Eng Jun Lozada."
Hanggat may lusot at kung makakayanan ay ilimita ang exposue ng mga salarin, panatilihing nasa peripiral ang subject ng Senate hearing. Meaning itago sa Senado ang mga vulnerable, ang Unang Ginoo at tanging Esposong si Mike Arroyo, Abalos o si Sec Neri, ang may alam sa iskandalong bumabalot sa maanomalyang kontrata ng ZTE-NBN. Pangalawa, sirain ang kredibilidad at kalakasang testimoniya ni Eng Jun Lozada (witness) at panghuli, kung 'di kayang kunin sa santong paspasan, takutin muli ang mamamayan, bigyang katwiran ang pagdidiklara ng “emergency rule o martial law.”
Maliban sa Simbahan, sinong grupo ang mapagkakatiwalaang titimon sa kumpas ng labanan at kung may ispasyo pa ba ang mamamayan sa malayang pamamahayag at mapayapang pagkilos, maliban sa Senado, ang mapayapang pakikibaka, ang legal at constitutional (avenues) na paraan ng pagkilos para sa pagbabago? Bukud sa hanay ng simbahan, sino sa mga progresibong hanay ang may kredibilidad na maaring magfacilitate, manguna sa pagkilos para sa pagbabago?
Nagstrike sa akin ang matinding feedback, reaksyon, kritisismo o mungkahi ng isang ordinaryong mamamayan na aking kapitbahay, sa kung paano paiigtingin ang pakikibaka laban sa katiwalian at pang-aabuso ng kasalukuyang administrasyon. Ayon sa kanya, "sa mga demokratikong mobilisasyon ikakasa sa hinaharap, kasabay sa umiinit na inbestigasyon sa Senado, kung pupwede lang sana," aniya, "sa simula, iwasan sanang mahaluan ng mga pulitiko, wala munang mga streamers at placard, wala munang mga pulang nakabalagbag na banderang wawagay-wagayway. Ang kanyang simpleng katwiran, "baka raw maunsyami ang labanan, baka mag-atrasan, masira ang kredibilidad, mag-alangan ang marami partikular ang hanay ng middle class, imbis na makadagdag, makabawas at mabulilyaso ang mabuting hangarin ng "communal action."
No comments:
Post a Comment