ano nga ba ang masasabi natin tungkol sa nakaraang hangalan, este, halalan? understatement na yata ng taon ang sabihing may nangyaring dayaan nitong eleksyon. walang understatement sa mga pahayag ni bishop soc at ng kaparian ng balanga. halos nasabi na ang lahat nang masasabi. ang nangya(ya)ri sa bataan ay nangya(ya)ri din sa albay at sa iba't-ibang lugar sa bansa. magawa na rin sana ang dapat na magawa.
.......
DIOCESE OF BALANGA
Sulat-Pastoral Ukol sa Nakaraang Halalan sa Bataan
ANG KABANALAN NG HALALAN
Nagsalita na ang balota subalit hindi tinig ng konsensiya ang lubusang narinig. Ang nanaig sa karamihan ay ang nakasisilaw na pera. May sigla sa buong bayan subalit ang siglang ito ay kahiya-hiya at kalapastanganan sa Diyos. Ito ay katulad ng pagsasayaw ng mga Israelita sa harap ng ginintuang diyus-diyosan sa ilang. Bagamat tayo ay nanalangin at nangarap upang maging malinis ang halalan, hindi ito ipinagkaloob sa atin dahil na rin sa ating sariling kabuktutan at kanya-kanyang pagkukulang.
Parami nang parami ang hindi na nababagabag sa buhay ng panlilinlang at ginagawa na lamang nating katatawanan. Sa maraming bahagi ng ating lalawigan, lantaran nang humahanay ang ating mga kababayan upang tanggapin ang kanilang bayad sa botong dapat sana ay banal at walang kasing halaga.
Nagsimula na rin nating maranasan ang matalim na sungay ng karahasan sa ilang bahagi ng ating lalawigan na nagdulot ng takot sa ilan sa atin. Masugpo na sana ang mga binhing ito ng karahasan at huwag nang lumala pa sa susunod na halalan.
Ano ang nangyari sa atin at humantong tayo sa ganitong kababang moralidad? Para sa isang lalawigang halos lahat ay naniniwala sa Diyos, paano natin nagawa na hamakin ang sarili nang dahil lamang sa tukso ng madaliang salapi? Para sa isang lalawigang kung saan ang lahat ng simbahan ay napupuno sa dami ng nagsisimba linggu-linggo, paano natin nagawang itapon ang ating dangal bilang mga anak ng Diyos at makipag-ulayaw sa mga manlilinlang at buktot na gawi ng ihahalal na pinuno ng bayan? May malaking bangin na naghihiwalay sa buhay pansimbahan at buhay panlipunan.
Kung walang pandaraya sa bilangan ng balota, ang sinumang makatanggap ng pinakamaraming boto ang siyang ituturing na nagwagi ayon sa batas ng pamahalaan. Subalit ayon sa pamantayang moral, ang sinumang manungkulan batay sa panlalamang, panlilinlang o pagbabayad ay may mabigat na kasalanan sa harap ng Diyos. Ang panulukang bato ng kanyang panunungkulan ay hindi Diyos kundi kasalanan. Ang pagbebenta ng balota na dapat ay banal at walang kasing halaga ay mabigat ding kasalanan sa Diyos.
Alam natin ang nangyaring panlilinlang, pagsasamantala sa mga dukha at pagpapagamit natin sa mga buktot na kandidato. Tayo lang ba ang nakakaalam? Hindi natutulog ang Diyos. Ang bayang walang takot sa Diyos ay isinumpa na sa pagdurusa dito pa lamang sa mundong ito. Sa mga kandidato na walang kahihiyang nagtataguyod ng kabuktutan ay mayroon ding nakaumang na kaparusahan. Ang kanyang panunungkulan ay siya na ring sumpa sa bayang nagbili ng boto. Tiyak na babawiin niya ang kanyang pinuhunan mula rin sa kaban ng bayan o kaya ay sa pagtataguyod at pagpapalaganap ng jueteng o iba pang bisyo.
Matahimik nga ang ating halalan subalit ang katahimikang ito ay hindi maka-Diyos. Walang namatay sa Bataan nang dahil sa halalan. Salamat sa Diyos. Subalit maraming konsiyensya ang namatay, maraming utos ng Diyos ang sinuway at maraming kaluluwa ang nawasak. Bumalik tayo sa Diyos at pagsisihan ang katatapos na halalan. Ito ang pinakamarumi sa lahat ng halalang naganap sa Bataan at walang kapantay sa bilihan ng boto, panlalamang at panlilinglang sa mga mahihirap. Ang talunan at ang nagwagi ay kapwa may kasalanan. Ang naghalal at ang nahalal ay kapwa may bahid ng maruming halalan. Ang simbahan at lipunan ay nagluluksa sa ganitong katayuan ng Bataan.
May pag-asa pa ba tayo?
Mayroong pa tayong pag-asa at dapat pa rin tayong umasa. Ang mga bumoto nang ayon sa kanilang konsiyensya at tumangging ipagbili ang kanilang boto ay mga tanda ng pag-asa. Dagdag pa rito ang mga masisigasig na PPCRV volunteers. Sila ang pinagkatiwalaan ng maraming mamamayang maka-Diyos pa rin ang pangarap. Mayroon ding ilang mga kandidato ang nanindigan para sa malinis na kampanya. Ang mga tapat at masisipag na guro sa ating paaralan na nagtiis ng gutom at puyat, pagod at init ng panahon upang makapaglingkod sa Inang bayan. Silang lahat ay mga bayaning tunay.
Pag-alabin natin ang pag-asa ng Bataan. Wakasan na natin ang makasalanan at maruming halalan at ibabalik natin ang paghahari ng Diyos sa ating pamahalaan at lipunan.
Mula sa Katedral ng San Jose, Lungsod ng Balanga, ikalabing anim ng Mayo, 2007
ANG OBISPO AT KAPARIAN NG DIYOSESIS NG BALANGA