KRUSADA PARA SA KATOTOOHAN ASIN KATANOSAN
c/o 644 g/f Encarnacion Bldg.,
DEKLARASYON NG PAGKAKAISA
Mamamayang Bikolano, Magkaisa at Kumilos,
Kamtin ang Katotohanan at Hustisya!
Kaming mga mamamayang Bicolano mula sa iba’t ibang sektor ay nagkakaisa at buong lakas na sumusuporta kay G. Rodolfo Noel ’Jun’ Lozada sa kanyang katapangan, katapatan at lakas ng loob na ilantad ang lahat ng kanyang nalalaman kaugnay sa overprcing at kickbacks sa $329.5 milyong kontrata sa Zhong Xing Telecommunications Equipment Limited (ZTE) National Broadband Network Deal na pinasok ng gobyerno.
Buo ang aming paniniwala na ang kanyang binitawang mga pahayag at ng iba pang testigo sa kontrobersyang ito ay nagpapatunay lamang na talamak at malaganap ang kurapsyon, anomalya at isakandalo ng kasalukuyang gobyerno ni Gloria Macapagal Arroyo. Gobyernong tumutugon at tumatangkilik sa mga personal na interes, kapamilya o ng maliit na grupo ng sindikato sa loob at labas ng burukrasya habang nakasadlak sa kumunoy ng kahirapan ang karamihan ng mamamayan.
Ilan sa mga anomalyang ito na sangkot si Gloria at kapamilya nito ay ang $14M kickback sa Industrias Metalurgicas Pescarmona Sociedad Anonima (IMPSA), P321M election money laundering na nasa Jose Pidal Bank Account, $7.1M nakatagong kayamanan ng mga Arroyo sa San Francisco USA, mga imported na pangarerang kabayo ni Mikey Arroyo na nagkakahalaga ng milyun-milyon, P536M overpricing sa President Diosdado Macapagal Boulevard, $100M kickback sa maanomalyang kontrata sa NAIA 3/ PIATCo, P728 M pundo na tinaguriang fertilizer fund scam at marami pang iba.
Kinokondena rin namin ang mga hakbangin sa ngayon ng rehimeng GMA na busalan ang bibig, takutin at o tuluyang patahimikin ang sinumang mamamayang nagsasabi ng katotohanan. Ang ganitong mga hakbangin ang kumikitil sa karapatan ng mamamayan sa pagpapahayag ng katotohan at unti-unti pumamatay sa demokrasya ng ating bayan.
Naninindigan at naniniwala kami na ang ating bansa ay magkakaroon lamang ng tunay na pag-unlad at makakamit ang tunay na kapayapaan at hustisya kapag ang mga namumuno ay may moralidad at integridad.
Dahil dito, nananawagan kami sa buong mamamayang Bikolano na huwag hayaang maglaho at mapunta sa wala ang nasimulang paglalantad ng katotohanan ni Jun Lozada. Totoong masakit ang katotohanan subalit kung ito ang tanging pararaan upang lumaya ang ating bansa mula sa mga mapagasamantala kailangang igiit at ipaglaban ito.
Magsuri at makialam sa mga kaganapan sa ating bayan!
Magkaisa at kumilos, kamtin ang katotohanan at hustisya ng buong bayan!
No comments:
Post a Comment